Ang pamumuhay ng mga sinaunang tao ay mayroong malaking ambag sa kultura sa kasalukuyan kahit pa sa anong aspekto natin tingnan. Unti-unting umunlad ang kultura ng ating mga ninuno dahil sa kanilang pagiging mapagmasid, pagkamalikhain at pakikibatay sa kapaligiran. Nang dahil sa pagnanais nilang mapagaang at mapadali ang kanilang pamumuhay, sila ay umisip ng mga paraan o kagamitan na makatutulong sa kanila. Dito na nagsimula ang ibat ibang gamit tulad ng mga dagger at sibat na ginamit nila sa pangangaso upang makakuha ng kanilang makakain. Sa sistema ng paglilibing, masasabi nating labis ang pagmamahal at pagpapahalaga nila sa isang kaanak o kapamilya sapagkat sa bakuran o balkonahe ng kanilang bahay inililibing ang pumanaw na mahal sa buhay. Naniniwala rin sila na ang mga ito ang tagapamagitan ng tao sa Bathala at dito pumapasok ang konsepto nang pag-gamit o paniniwala nila sa mga anito. Inaalayan pa nila ang mga anito bilang pasasalamat. Malaki ang kahalagahan ng mga kulturang nabanggit sa konsepto ng kasalukuyan tulad na lamang sa sining, kung dati ay sa dingding sila gumuguhit at kakaunti lamang ang kulay, ngayon ay nakaguguhit na sa iba't ibang klase ng tela at papel na nakapinta ang mga makukulay na obra. Sa pamumuhay, kung dati ay nagangaso sa kagubatan gamit ang mga sibat at dagger, ngayon ay nakabibili na lamang sa mga tindahan at palengke; madali ng makapanghiwa ng mga pagkain gamit ang mga matutulis na kutsilyo na gawa sa metal na mas matatalas. Ang pagkakaroon ng sistema ng pananim na umusbong sa panahon ng neolitiko ay isinasagawa pa rin sa kasalukuyang panahon. Sa sistema naman ng paglilibing, makikita pa rin sa kasalukuyang panahon ang pagmamahal at pagpapahalaga sa mga pumanaw na mahal sa buhay sapagkat sila ay inililibing sa mga maaayos na sementeryoat patuloy na inaaalaala ng mga kapamilya. Kung dati ay mga banga lamang ang libingan, ngayon ay may mga kabaong at konkretong libingan na. Isa pang halimbawa ang payong na dati ay mga malalapad at malalaking dahon lamang na unti-unting nagawan ng paraan ng tao at napaunlad. Batay sa mga halimbawa na aking nabanggit, patuloy na umuunlad ang pamumuhay ng tao sa bawat pagdaan ng panahon. Marapat nating pasalamatan ang mga sinaunang tao dahil kung hindi sila nagsimula sa payak na pamumuhay, wala tayong magiging batayan upang gumawa ng mas maganda at mas kapakipakinabang na mga kagamitan.
-Samantha Sherine Trinidad Catcalin
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 comments:
Post a Comment